Isang malaking panloloko na naman sa taongbayan ang palusot ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na napilitan siyang pirmahan ang ZTE-National Broadband Network (ZTE-NBN) contract dahil nagkasubuan na kahit alam niyang may bahid ito ng iregularidad.
Inamin kamakailan ni Arroyo na noong gabi ng bisperas ng pirmahan sa kontrata ng broadband project ay itinawag sa kanya ang tungkol sa “katiwaliang bumabalot” dito. Subalit hindi na umano magagawang kanselahin pa ito noong gabing iyon sa katwirang ibang bansa ang kausap sa kontrata.
Kagyat namang nagpahayag ng reaksyon si Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa paliwanag ni Arroyo na aniya’y mahirap lunukin at tanggapin dahil malinaw na lantarang panloloko na naman ito sa taongabayan.
“Mahirap lunukin ‘yung explanation niya, niloloko tayo sa kanyang explanation, alam niyang may mali at maanomalya ‘yung kontrata bakit pa niya itinuloy?” diin pa ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, ang pag-amin umano ng Pangulo na maanomalya ang kontrata ay isang lantarang paglaglag na rin sa mga opisyal nito na todo ang pagtatanggol at pagsasabing malinis o above board ang naturang kontrata. Lalo lamang umano lumaki ang problema at tuluyan nang nagkabuhol-buhol ang kanilang mga pagsisinungaling.
Dahil dito, pinabababalik ni Lacson sa Senado ang lahat ng mga opisyal na nagsasabing above board ang kontrata upang humingi ng paumanhin sa harap ng mga senador ukol sa kanilang pagsisinungaling. Partikular na nais pabalikin sa Senado ni Lacson ay si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Leandro Mendoza gayundin si Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri.
Ayon kay Lacson kung hindi umano ito gagawin ng mga nabanggit na opisyal na humarap sa Senado under oath ay hindi na kailangan pang mananatili ang mga ito sa puwesto kundi magbitiw na dahil sa lantarang pagsisinungaling sa sambayanang Pilipino.
RESIGN NA!
Samantala, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño na ang tuluyan nang pagbibitiw ng Pangulo sa puwesto ang tanging nalalabing opsiyon nito bago pa man humantong na siya’y kaladkarin ng taongbayan palabas ng Malacañang.
Ayon kay Casino, ang ginawang pag-amin ni Arroyo ukol sa maanomalyang ZTE-National Broadband Network deal ay mas higit pang malala kaysa sa ginawa niyang “I am sorry” speech noong 2005 sa kainitan ng “Hello Garci” scandal.
“The President’s admission about the anomalies in the NBN-ZTE deal is worse than her ‘I am sorry’ speech of 2005,” ani Casiño. “A president who insults the nation’s intelligence with such a blatant lie has no right to be in power. President Arroyo should resign immediately or face ouster from an outraged public.”
Sa panig ni Sen. Mar Roxas, minsan na umanong nagkasala ang Pangulo sa taongbayan noong pumutok ang “Hello Garci” scandal at ngayon ay muling inamin ni Arroyo ang pagkakamali matapos pirmahan nito ang NBN-ZTE deal kahit alam niyang maanomalya.
Dahil dito, mahirap na aniyang pagkatiwalaan si Arroyo at kuwestiyonable na ang sensiridad nitong hindi na maulit ang ganitong mga pagkakasala.
“Bakit tayo ngayon maniniwala na pagkatapos ng pag-amin ng Pangulo ay magkakaroon ng hustisya na hindi na mauulit ang mga ganitong anomalya?” ani Roxas.
GMA WALANG KAWALA
Ito ang nagkakaisang pahayag nina Lacson, Senate majority floor leader Francis Pangilinan at minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., sa pag-amin ni Arroyo.
Ayon kay Pangilinan, binansagang Mr. Noted at dating kaalayado ni Arroyo, kahit anong depensa ang gawin ng Pangulo malinaw aniyang panlilinlang ang bagong estratehiyang naisip ng Malacañang dahil nalulubog sa eskandalo ito.
“What GMA did or did not do after she learned that something was wrong with the ZTE-NBN deal on the eve of its signing is the smoking gun that links her to the scandal. That’s also what Secretary Romulo Neri doesn’t want to supply,” ani Pimentel.
“Nagpapatunay na si GMA ay walang konsensiya, wala sa kanya ang sentimiyento ng bayan. Biro mo umamin na alam na niya na may mali ang broadband contract, pinabayaan pa rin mapirmahan at 5 months later saka na kunyari kinansela. Why delay? She should explain, lalong magdududa na ang tao na may hinihintay na mangyayari muna bago kinansela daw,” ayon pa kay Pimentel.
Sa panig ni Lacson, wala na aniyang kawala si Arroyo sa broadband scandal dahil malinaw ang ginawa nitong pag-eskapo patungong China para saksihan ang contract signing gayong naka-confine noon sa ospital si First Gentleman Mike Arroyo na isinailalim sa triple bypass operation.
“Unang-una kung nalaman niyang flawed o may problema, eh bakit witness siya sa signing. Ano mas magandang dahilan kung ‘di siya tumuloy kundi health ni FG. Tumuloy siya despite the problem sa kontrata,” ani Lacson.
http://www.abante-tonite.com/issue/feb2508/news_story1.htm
|
0 comments:
Post a Comment