Pinatunayan ng hiwa-hiwalay na kilos protesta laban sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa paggunita sa ika-22 taong anibersaryo ng EDSA 1 na buhay na buhay pa ang People Power.
Ito ang kapwa pahayag nina Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes nang makatuntong ang mga ito sa kauna-unahang pagkakataon sa sa Mendiola simula noong 2005.
Ang Mendiola ay idineklara ni dating Manila Mayor Lito Atienza bilang “no rally zone” sa gitna “Hello Garci” scandal subalit binuksan ito ni Manila Mayor Alfredo Lim sa mga raliyista tuwing weekend at pista opisyal.
Bukod sa Mendiola, sinubukan din ng Akbayan party-list group sa pangunguna ng kanilang kinatawan sa Kamara na si Rep. Risa Hontiveros na magsagawa ng kilos-protesta sa EDSA Shrine sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Casiño na hindi mailarawan ang kasiyahan dahil muling nakatuntong sa Mendiola, ang kaliwa’t kanang kilos protesta laban sa administrasyon ni Arroyo kahapon ay indikasyon na hindi totoong pagod na ang mga tao sa people power.
“Hangga’t may nasasamantala at nang-aabuso sa kanilang kapangyarihan, mabubuhay ang people power,” ani Casiño.
Sinabi naman ni Reyes na taliwas ito sa inaakala ng Malacañang na sawa na ang mga tao sa people power.
Patunay dito, ayon kay Reyes ang communal action ng ipinapakita ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng paglabas sa lansangan ng mga estudyante para kalampagin ang corrupt government.
Mendiola ninamnam
Ninamnam nang husto ng mga raliyista ang pagkakataon na makatapak sa Mendiola kung saan kabilang sa nagtipun-tipon ang mga miyembro ng grupong Bayan, Kilusang Mayo Uno (KMU), League of Filipino Students (LFS), Courage, Gabriela, Kadamay, Migrante, Youth-Act Now, Anakpawis at iba pa.
Sumama rin sa naturang pagtitipon at nagmartsa pa si dating Vice President Teofisto Guingona kasama sina Anakpawis Rep. Crispin Beltran at Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Sa pambihirang pagkakataon ay walang nangyaring girian, tulakan at paluan sa pagitan ng mga demonstrador at mga pulis at gaya ng nakasaad sa permit, dakong alas-6 ng gabi ay matiwasay na nilisan ng mga raliyista ang Mendiola saka muling nagmartsa at nagsagawa ng torch parade na sinabayan ng noise barrage sa palibot ng komunidad patungong España sa Sampaloc kung saan tuluyang naghiwa-hiwalay ang mga ito.
Nagkabiglaan sa EDSA
Sa Edsa Shrine, nabigla na lamang ang mga nagbabantay na pulisya nang sabay-sabay na sumulpot mula sa iba’t ibang lugar ang mga raliyista sa kalagitnaan ng misa sa pagdiriwang ng ika-22 anibersaryo ng EDSA Revolution na dinaluhan nina dating Pangulong Fidel Ramos at Vice President Noli de Castro.
Ang mga raliyista mula sa grupong AKBAYAN at Laban ng Masa ay bigla umanong sumulpot sa may flyover at ang ilan naman ay galing ng Cubao.
Ayon sa pulisya mahigpit ang kautusan sa kanila na huwag palalapitin sa EDSA Shrine Monument ang mga raliyista kaya nagkaroon ng tensyon sa paligid ng EDSA Shrine sa pagsulpot ng mga raliyista na armado ng mga placard na nagsasaad ng “GMA Resign.”
Alas-5 ng hapon ay parang bulang nawala ang mga raliyista sa EDSA Shrine na napag-alamang tumuloy sa Ateneo University kung saan ay nagdaos ng misa para sa katotohanan.
Misa sa Baclaran
Kaalinsabay ng mga pagkilos sa Mendiola at EDSA gayundin sa iba pang siyudad sa bansa, nagdaos naman ng misa sa Baclaran Church kung saan nanguna sa mga dumalo sina dating Pangulong Corazon Aquino at broadband scandal star witness Rodolfo ‘Jun’ Lozada at ang kapatid nitong si Carmen gayundin sina dating senador Franklin Drilon, Manila Mayor Alfredo Lim, Sen. Noynoy Aquino, Gina de Venecia, mga lider ng Black & White Movement at brothers ng De La Salle University.
Dakong alas-tres ng hapon kahapon ng magsimula ang misa sa pangunguna ni Fr. Joseph Joey Echano na humimok sa taumbayan na kumilos na kaugnay sa mga nalalantad na katiwalian sa bansa.
“Ang apoy sa impiyerno ay naghihintay para sa mga nagsasawalang kibo lalo na sa panahon ng krisis,” paalala ni Father Echano.
Nang matapos ang misa, sinindahan naman ni Mrs. Aquino ang kandila ng katotohanan bago ito nagbigay ng pahayag na sinundan naman ni Lozada.
Nang tumayo sa pulpito ng simbahan si Lozada ay nagpalakpakan at nagtayuan pa ang mga tao.
Sinabi ni Lozada na sa kasalukuyang sitwasyon ng bayan, sa kabutihan sa puso ng bawat mamamayan magsisimula ang tunay na pagkilos para sa pagbabago ng bansa.
“Ang tunay na Pilipino ay nagsasabi ng totoo, ang tunay na Pilipino ay nagsisilbi para sa totoo at maraming Pilipino ang magtatanggol sa katotohanan,” ani Lozada.
Diwa ng EDSA ipinaalala
Samantala, pinaalalahanan ni Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz ang publiko hinggil sa tunay na diwa ng EDSA Revolution.
Ayon kay Cruz, maraming maling interpretasyon sa tunay na pakahulugan ng People Power, gaya na lamang ang sinasabi ng ilan na isa itong masamang karanasan na hindi na dapat maulit pa sa bansa.
Nilinaw ni Cruz na ang people power ay ang kapangyarihan ng nagkakaisang sambayanan at hindi ng armas o yaman.
Ito, aniya, ay ang kahanga-hangang moral power ng taumbayan para labanan ang talamak na graft and corruption sa gobyerno, at ang mga hindi na masikmurang opisyal ng pamahalaan.
Ang people power, ayon pa kay Cruz, ay pagpapakita na ang boses ng sambayanan ang dapat mangibabaw sa bansa at hindi ang Malacañang o ang Armed Forces of the Philippines o maging ang Philippines National Police.
http://www.abante-tonite.com/issue/feb2608/news_story1.htm
0 comments:
Post a Comment