Sa kabila ng panibagong eskandalong bumabalot sa gobyernong Arroyo, nanindigan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na wala nang insidenteng mangyayaring kagaya ng tagumpay na sinapit sa Edsa 1 at Edsa 2 dahil hindi ito matatanggap sa buong mundo.
Hindi natin kokontrahin ang ideyang ito ng administrasyong Arroyo dahil sila ang nasa posisyon at hawak nila ang kapangyarihan kaya’t dapat lamang sa aming palagay na maging positibo ang kanilang pananaw anumang aspeto sa ating lipunan ang pag-uusapan.
Subalit kung ganito na kainit ang sitwasyon sapagkat hindi lamang mga kritiko ng gobyerno ang nag-aalsa kundi ang maging ang dating mga kakampi nito ay nagpapahayag na rin ng disgusto sa kanyang liderato, hindi kaya kailangan na ring mag-isip-isip ng Pangulo at gumawa ng paraan upang mapahinahon ang grupo o sektor na kumukondena sa kanyang pamamahala?
Sa pagkakataong ito hindi na pupuwedeng idaan sa pagtataray o pagpapa-cute ang mga ibinabatong isyu dahil hindi na ito bumebenta sa taumbayan.
Ang dapat gawin ng gobyernong Arroyo sa ganito kainit na sitwasyong pampulitikal sa bansa ay pakinggan ang bawat panig at patunayang walang katotohanan ang mga alegasyong ibinabato sa kanyang liderato.
Hindi rin pupuwedeng idaan lamang sa paliwanagan ang lahat. Ang kailangan ay may maparusahang mga personaheng sangkot sa mga iregularidad. Sapagkat kung puro paliwanag at paghingi ng paumanhin lamang dadaanin ng gobyernong Arroyo ang kanilang mga atraso, hindi na ito pakikinggan ng sambayanang Filipino at paulit-ulit na hihingin ang pagbaba ni Pangulong Arroyo sa kapangyarihan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment